Sunday, December 12, 2010

Seven Ways to Avoid Bad Debt (Pitong Paraan ng Pag-iwas sa Masamang Utang)

Sa mga naglipanang produkto ngayon at sa pagnanais nating maging -in sa barkada at sa lipunan, marami sa mga nagsisimula pa lamang na kumita ng pera ang dahan-dahan nang lumulubog sa pagkakautang at kakapusan ng hindi nila namamalayan.  Marami ang hindi pa panahon ng sahod ay kailangan ng mag-cash advance o kaya’y isanla ang kani-kanilang ATM Cards na usung-uso ngayon sa mga pabrika at mga pribadong kumpanya.  Ang mga datihan namang  may pagkakautang at babago pa lamang nakalalaya rito ay ganun din.  Bigla nilang namamalayan na may utang na naman sila na kailangang bunuin at pagsikapang bayaran.  Malimit dahil sa mga gastusing hindi pana-panahon at hindi naman maituturing na biglaan tulad ng tuition, panghanda sa birth day, reunion, paskuhan at iba pa.

Upang huwag mabulid at matukso sa utang, makatutulong ang sumusunod na tips o mungkahi sa bawat isa atin.

  • Magbasa, mag-aral, at bumili muna ng mga aklat tungkol sa Financial Literacy bago ang pagporma at mga gadgets.  Sa oras na magkatrabaho tayo at magsimulang kumita. Unahin agad ang magtabi o mag-impok at pagbili ng mga aklat tungkol sa kahalagahan ng Financial Literacy, at Personal Finance upang magkaroon ng kaalaman kung paano at bakit kailangang lumaya sa kakapusan.
  • Panatilihin ang dating uri ng pamumuhay at paraan ng paggastos na tulad noong wala pang trabaho. Bilhin lamang ang mga pangunahing pangangailangan sa tahanan.  O kung nakatira pa rin sa magulang, share sa pagkain at iba pang gastusin sa bahay at itabi na lahat ang matitira.
  • Magbudget at maghanda ng tinatawag na irregular expenses account o listahan ng mga gastusing pana-panahon kung dumating tulad ng pagbabayad ng tuition, pagbili ng mga uniporme at mga gamit pampaaralan, Pasko, Birth Day, Valentines Day, Anniversaries, at iba pa at isama na ito at paglaanan upang maiwasan ang pangungutang sa panahon na ang mga ito ay kakailanganin.
  • Huwag matoto o maingganyong mangutang.  Iwasan at ituring ang utang bilang isang nakahahawa at nakamamatay na karamdaman.  Tandaan na lahat ng utang ay masama kung ito ay nagiging dahilan upang mabawasan ang inyong kita at halaga ng ari-arian o asssets.  Umutang lamang kung gagamitin sa isang negosyo na siguradong kikita.
  • Huwag kumuha ng isang bagay na pahulugan o mangutang para lamang bumili ng isang bagay tulad ng mga alahas, gadgets, damit, mga kasangkapan sa bahay at iba pa.
  • Panatilihin ang budget sa dating antas kahit na tumaas na ang buwanang suweldo dahil sa mga nabayarang utang, o umento at ibulid ito sa mga nalalabi pang pagkakautang o kung tapos na ay impokin upang lumago sa pinakamabilis na paraan.
  • Huwag padalus-dalos at paimpluwensya sa tukso ng materyalismo at ng kapwa at ituon lamang ang tingin sa layuning makalaya sa kakapusan sa pinakamabilis na paraan.
  • Maging simple at huwag mag-astang mayaman.  Sa ngayon, hindi pinag-uusapan sa mataas na lipunan kung anong mga mamamahaling gamit meron ka kundi una muna rito ang uri at laki ng iyong mga investments.
Tandaan, na malaki ang tulong na magagawa sa atin kung tayo ay walang masamang pagkakautang sapagkat iwas isipin din bukod pa sa mas mapapabilis ang ating pag-iimpok.

Maaari ring tunghayan ang sumusunod:

Basics on Personal Finance






No comments: