Matapos nating malaman ang ating net worth batay sa inihanda nating Statement of Assets and Liabilities, ay ang plano naman tungo sa kalayaang pinansyal ang nararapat ihanda batay sa uri o antas ng pamumuhay na ating gusto. Pero paano kung lumabas na negatibo ang net worth at tayo ay kabilang sa mga financially bankrupts?
Ito ang pinakamalaking hamon dahil imbes na makapagsimula (start-up) na agad tungo sa pag-iimpok at pagpapalaki ng kita (increasing passive income) ay ang pagbabayad ng mga utang muna ang kailangang bunuin. Sa ganitong sitwasyon, makabubuting balikan ang mga naging kadahilanan ng pagkabaon sa utang upang huwag na itong maulit pa.
Ang tanging dapat tutukan ng lahat ng nasa ganitong antas pinansyal ay ang mabayaran ang lahat ng pagkakautang sa pinakamabilis na paraan. Malibang mabayaran muna lahat ang pagkakautang, hindi puwedeng magsimula ng pag-iimpok maliban sa pang-emergency dahil hindi ito praktikal. At upang makalaya sa ganitong sitwasyon, iminumungkahi ang sumusunod:
- Magbudget kasama ang pamilya at gawing mulat sila sa inyong katayuang pinansyal upang makatulong sila sa pagtitipid at paggawa ng paraan kung paano mabilis na makakalaya sa hamong ito. Tandaan, ang pagsasabi ng tapat ay pagsasama ng maluwat.
- Strictly monitor your daily expenses upang malaman ang pattern ng paggastos sa araw-araw at malaman kung alin sa mga ito ang puwedeng itigil upang mabawasan ang gastusin at maidagdag bilang pambayad sa utang.
- Bilhin lamang at paglaanan ang talagang kailangan. Hindi naman tayo mamamatay kung walang bagong cell phone, telebisyon at computer.
- Bayaran ang utang sa pinakamabilis na paraan at unahin ang may pinakamataas na pataw na interes.
- Makipag-areglo sa mga pinagkakautangan upang mabigyan ng amnestiya. Makatutulong ito ng malaki upang mapababa ang interes at maiangkop ang pagbabayad ayon sa nalalabing kakayahan. Siguraduhin lamang na makasusunod sa pinasok na kasunduan upang hindi ito maging dahilan ng lalong malalang suliranin.
- I-renew lamang ang mga utang na may mababang interes na hindi lalampas sa 10% tulad ng sa PAG-IBIG, GSIS, SSS at iba pa ngunit para mabayaran lamang ang mga pagkakautang na may matataas na interes.
- Siguraduhing hindi papalya sa pagbabayad ng utang sa PAG-IBIG, GSIS, SSS at iba pang nagpapautang na may mababang interes sapagkat hahatawan ka naman ng mga ito sa penalty at surcharges. Higit sa lahat, iwasan ang maging in-default sa pagbabayad sapagkat mawawala ang insurance ng inyong utang at madadamay ang inyong naihulog pati na ang kinita nito. Ito ang dahilan kung kaya marami ang walang natatanggap sa panahon ng biglaang pagyao dahil kulang pang ibawas sa kanilang utang ang benepisyong dapat sana ay mapapakinabangan ng mga naiwan. Makatutulong na basahing mabuti ang kasunduan sa pag-utang at unawain itong mabuti o magtanong kung may mga bagay na hindi nauunawaan.
- Protektahan at isiguro ang sarili sampung ulit ng kabuuhang gastusin sa isang taon plus ang kabuuhang halaga ng lahat ng pagkakautang. Siguruhing kasama sa gastusin ang buwanang bayad sa mga pagkakautang). Ito’y anu’t-ano man ang mangyari ay hindi magiging kawawa ang pamilyang maiiwan.
Sa sandali lamang na tayo ay makalaya sa negatibong networth at mga pagkakautang ay doon lamang tayo makapag-iimpok na syang simula ng landas tungo sa kalayaan sa kakapusan.
Tara na kapatid at sama-sama nating paunlarin ang mga biyayang bigay sa atin ng Maykapal hindi lamang para sa ating pamilya kundi higit sa lahat, sa mga tunay na dukha at nangangailangan ng ating pagdamay.
No comments:
Post a Comment