Monday, May 4, 2009

Kung Mangarap Man at Magising

By Gilbert M. Forbes
 
Muli, pansamantalang tumigil ang inog ng mundo ng sambayanang Pilipino sa panahon ng laban ni Manny Pacquiao. Bawat isa’y kinabahan. Bawat isa’y umaasam ng panalo ng kanilang idolo. Pansamantalang nalimutan ng lahat ang kanilang mga alalahanin. Muli, nabuklod ang sambayanan, tumigil ang bangayan.Nakita natin na puwede palang maisantabi ang mga walang katuturang away at di-pagkakasundo. Sabi nga ng ilan, sana lagi raw may laban si Pacman para laging nagkakaisa ang sambayanang Pilipino.

Nakita rin ang kakaibang kakayahan ng ating lahi na palutangin ang husay sa mundo. Na kayang-kaya nating magtagumpay sa iba’t-ibang larangan. Ang tanging sandata’y tiyaga, tibay ng dibdib at determinasyong makamit ang minimithi. Puwede naman talaga. Pero nakalulungkot isipin na ang dali nating maki-angkas sa tagumpay ng iba pero ang tagal nating matuto. Ewan ko pero sadyang nakapagtataka lang. Sadya nga bang kailangan pa natin ng idolo, ng modelo at ng tinitingala.

Magkaganun pa man, kung ang kailangan nati’y idolo at modelo ay marami d’yan. Maaaring malapit lang sa atin. Nasasa ating mga pamayanan. Mga kuwento ng buhay na kapupulutan ng inspirasyon at lakas ng loob. Marahil, ito ang kailangan natin ngayon, ang inspirasyon. Inspirasyon para tayo ay mangarap. Madali lang ang mangarap. Ito ay libre. At mula sa mga mumunti o malalaking pangarap na ito ay maaari tayong kumilos at magsimulang magsikap upang ito ay abutin. Sapagkat halos lahat ng kuwento ng tagumpay ay nagsimula sa isang pangarap. Pangarap na pinagsikapang abutin gaano man ito kahirap o katagal.

May mga pangarap na madali lamang na nakamtan. Ang ilan ay biglaan. Meron namang matagal at merong ‘di nagkaroon ng katuparan. Pero ang mahalaga sa lahat ng ito ay nangarap tayo at pinagsikapan nating ito ay abutin sapagkat ang pinakamasakit sa lahat ay ang mangarap at magising ng walang anumang nangyari sa lahat ng ating ninanais sapagkat wala tayong ginawa.

Ikaw, may pangarap ka ba? Aba’y kilos na at magsimula.

No comments: