Monday, May 4, 2009

Kung Mangarap Man at Magising

By Gilbert M. Forbes
 
Muli, pansamantalang tumigil ang inog ng mundo ng sambayanang Pilipino sa panahon ng laban ni Manny Pacquiao. Bawat isa’y kinabahan. Bawat isa’y umaasam ng panalo ng kanilang idolo. Pansamantalang nalimutan ng lahat ang kanilang mga alalahanin. Muli, nabuklod ang sambayanan, tumigil ang bangayan.Nakita natin na puwede palang maisantabi ang mga walang katuturang away at di-pagkakasundo. Sabi nga ng ilan, sana lagi raw may laban si Pacman para laging nagkakaisa ang sambayanang Pilipino.

Nakita rin ang kakaibang kakayahan ng ating lahi na palutangin ang husay sa mundo. Na kayang-kaya nating magtagumpay sa iba’t-ibang larangan. Ang tanging sandata’y tiyaga, tibay ng dibdib at determinasyong makamit ang minimithi. Puwede naman talaga. Pero nakalulungkot isipin na ang dali nating maki-angkas sa tagumpay ng iba pero ang tagal nating matuto. Ewan ko pero sadyang nakapagtataka lang. Sadya nga bang kailangan pa natin ng idolo, ng modelo at ng tinitingala.

Magkaganun pa man, kung ang kailangan nati’y idolo at modelo ay marami d’yan. Maaaring malapit lang sa atin. Nasasa ating mga pamayanan. Mga kuwento ng buhay na kapupulutan ng inspirasyon at lakas ng loob. Marahil, ito ang kailangan natin ngayon, ang inspirasyon. Inspirasyon para tayo ay mangarap. Madali lang ang mangarap. Ito ay libre. At mula sa mga mumunti o malalaking pangarap na ito ay maaari tayong kumilos at magsimulang magsikap upang ito ay abutin. Sapagkat halos lahat ng kuwento ng tagumpay ay nagsimula sa isang pangarap. Pangarap na pinagsikapang abutin gaano man ito kahirap o katagal.

May mga pangarap na madali lamang na nakamtan. Ang ilan ay biglaan. Meron namang matagal at merong ‘di nagkaroon ng katuparan. Pero ang mahalaga sa lahat ng ito ay nangarap tayo at pinagsikapan nating ito ay abutin sapagkat ang pinakamasakit sa lahat ay ang mangarap at magising ng walang anumang nangyari sa lahat ng ating ninanais sapagkat wala tayong ginawa.

Ikaw, may pangarap ka ba? Aba’y kilos na at magsimula.

Friday, May 1, 2009

Pamilya Tayo, Alala N’yo?

By Gilbert M. Forbes
 
“Sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan,” ayon nga sa kasabihan. Totoo ito sa mga nangyayari sa ating bansa ngayon. Pero alam n’yo ba na marami sa mga suliraning ito ay nakaugat sa pamilyang Pinoy? Ang mga negatibong pagpapahalaga tulad ng corruption, nepotismo o kamag-anak incorporated at palakasan, pandaraya, apathy o kawalang pakialam at pagpapahalaga sa kapwa, lahat ng ito ay may malaking koneksyon sa pamilyang Pinoy.

Pero pano ito nangyari? Narito ang ilang mga konkretong halimbawa: Sa larangan ng corruption, ito ay nangyayari dahil sa maling pagbibigay ng anumang insentibo bilang kapalit sa pabor, gawaing natapos o tagumpay ng isang bata ay magdudulot ng maling pagpapahalaga pagdating ng panahon. Hal. Iyo na ang sukli o ibibili kita ng bisikleta kapag naging mataas ang marka o naging first honors ka. Ang nepotismo naman ay ang pagbibigay ng pabor sa mga kadugo lalo na kung ang posisyong pinag-uusapan ay posisyon sa pamahalaan. Maliwanag ito sa panahon ngayon kung saan halos magkakamag-anak na ang nakaposisyon sa pamahalaan na pinapayagan naman ng nakararami. Ang kawalang pakialam naman ay maliwanag ring nagsisimula sa pamilya. Pangkaraniwan ng kasabihan ang ganito, ah basta’t pamilya ko ang makikinabang, ok lang. O kaya’y ganito. “Para sa pamilya kaya ko ginagawa ang mga ito.” KANYA-KANYA DAHIL SA KANI-KANILANG PAMILYA!!!!!

Sa pangkalahatan, ano kaya ang kabuluhan ng lahat ng ito? Ituring na lamang na ang pamilya ang pangunahing yunit ng ating lipunan? Maliwanag na ang nangyayari sa ating bansa ngayon ay mukha lamang o isang higanteng larawan lamang ng pamilyang Pilipino.

Napapanahon na para palawakin ang pananaw na nagbubuklod sa pamilya patungo sa pamayanan. Ang mga konseptong inilalarawan halimbawa ng ‘tapat ko linis ko,’ vs ‘tapat namin pananagutan namin,’—alalaong bagay mas pinalawak na pagkakapatirang tunay. Pagpapahalagang malinaw sa ating lahi bago pa man ang panahon ng kolonyalismo. Ito ang pakikisangkot hindi panghihimasok. Pagtutulungan at bayanihan hindi kanyahan. Pag-uunawaan hindi inggitan sapagkat ang tagumpay ng isa ay tagumpay ng lahat, ang pag-unlad ng isa karamay na ang lahat.

Puwede na natin itong simulan sa ngayon. Una sa ating pamayanan. O di ba, Pamilya tayo, alala n’yo?