Wednesday, November 19, 2008

Ang Pagsasaka at Kagutuman

By Gilbert M. Forbes
 
Para sa isang bansang pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay, nakapagtataka na maging ikaapat sa may pinakamaraming nagugutom sa buong mundo ang Pilipinas lalo na at napakalalawak ng lupang sakahan at napakaraming nakatiwangwang. Mataba ang lupa na sagana sa dilig ng ulan at klimang katamtaman di tulad sa bansang Rusya at mga bansa sa Africa na tulad ng Somalia.

Marahil, maituturing na may kinalaman ito sa nagbabagong pananaw natin hinggil sa pagsasaka at kapabayaan na rin ng ating pamahalaan. Katunayan, dahil mas mura ang umangkat kaysa likhain o anihin ang pagkain dito sa atin, 85% ng ating pagkain ay imported. Di nga ba’t ang bigas natin ay imported? Pati ng karne at gulay eh,

Sana, imbes na mamudmod ng bilyon-bilyong pera, ay gamitin na lamang ito sa industriya ng paglikha ng pagkain kahit di kasingmura ng angkat upang ang ating mga magsasaka ang makinabang sa gayon lalo silang magsusumikap. Mapipigilan din ng tuluyan ang migrasyon mula sa mga kanayunan patungo sa kalunsuran at magaganyak ang mga nagugutom at naghihirap sa lunsod na bumalik na sa kani-kanilang probinsiya.
Tulad sa Thailand, lalaki ang produksyon at bababa ang presyo nito at maaari pang tayo naman ang mag-export. Panahon na rin upang baguhin natin ang pagtingin sa manwal na paggawa tulad ng pagsasaka.

Huwag na sana na nating hintayin na dumating ang pagkakataon na meron nga tayong pambili, ngunit wala namang mabibili sapagkat mas mahusay pa rin na kahit walang pambili ay busog at hindi gutom!

No comments: