Thursday, January 20, 2011

Edukasyon Bilang Daan sa Pagwawasto sa Kamalian ng Nakalipas

Ni Gilbert M. Forbes
DepEd Quezon, CALABARZON
 
Naalala ko ang isang awitin noong early eighties na "Saan Ako Nagkamali? " na maaaring iangkop natin ngayong sa nangyayari sa ating bansa. Pero makailang ulit ko mang isipin at wariin ang bawat sirkulo ng mga pangyayari, isa lamang ang nakikita kong dahilan. At ito ay nakaugat sa ating kasaysayan at sa mga kalipunan ng iba't-ibang salik na nakaugat sa isang neokolonyal na pananaw at komplikadong pagpapahalaga at mga batayang kultural at moral.

Sinubukan kung ihambing ang karanasang pambansa sa mga karatig kabansa sa Asya na tulad ng Vietnam na dahan-dahan nang pumapaimbulog ang ekonomiya at ilang panahon na lamang ay maaari nang maunahan ang ating bansa, Malaysia na konti lamang ang agwat sa atin kung GNP ang pag-uusapan ngunit higit pa ring nauuna sapagkat mas kakaunti ang kanilang populasyon, Thailand, Singapore, Taiwan, South Korea, at Japan . . . . . . . . at aking nakita ang mga sumusunod na dahilan:

Una, ang kawalan nang tuluy-tuloy na programang pampulitika at ekonomiya na di tulad ng Singapore , Malaysia , South Korea, at Japan . Nitong huling dalawang dekada, nakita ang Vietnam sa ganito ring kalalagayan na nagbunga naman nang maganda nang pasimulan nito ang Doi Moi noong huling bahagi ng dekada otsenta. Samantala, ang Singapore naman ay pinamahalaan ng kamay na bakal ng dati nitong Prime Minister na si Lee Kwan Yeow samantalang ang South Korea at Japan naman ay may pamahalaang
ginabayan ng Martial Plan at biniyayaan pa ng saganang pamumuhunan at kapital mula sa Amerika.

Pangalawa, ang lipunan ng Thailand , Malaysia at Japan ay sumusuporta sa sistemang Monarkiyal na bagamat may limitadong kapangyarihan sa bagong kaayusan ay s'ya namang nagsisilbing bigkis at kaisahan ng mga mamamayan. Ang ating bansa ay wala at watak-watak.

Pangatlo, ang mga bansang South Korea , Vietnam at Japan ay dumanas ng ibayong kasalatang sanhi ng digmaan samantalang ang Pilipinas ay wala sa kalingkingan ng kanilang dinanas. Maitatanong natin ito sa ating mga ninununo na dumanas ng digmaan. Ang Vietnam kaiba sa Pilipinas ay may malalim na suliraning peyudal at Agraryo na higit pa sa dinanas ng Pilipinas.

Pang-apat, maliban sa Pilipinas ang mga bansang tulad ng Thailand , Malaysia , Taiwan , South Korea at Japan ay hindi napailalim sa di patas na kasunduang pangkalakalan at ekonomiya. Sa katunayan, samantalang ang Japan ay isang kaaway noong ikalawang digmaang pandaigdig ay tumanggap pa rin ito ng maalab at malabis na mga pamumuhunan sa US . Ganun din ang South Korea at Taiwan samantalang ang Pilipinas ay ano ang naging pakinabang.

Panglima, ang mga bansang ito ay hindi napailalim sa mapanlinlang na edukasyong Amerikano na pinalala pa ng marami sa kanyang mga pensyonado maliban marahil sa ilan. At ano ang naging papel ng Pilipinas sa loob ng mahabang panahon? Tagatangkilik ng kanyang glamorosong pamumuhay at kultura hindi bat ipinangalandakan pa ng burgesya. Hindi industriya ang pinaunlad ng US sa Pilipinas kundi ang mga base militar at pang-ekonomiyang interes nito na naging dahilan ng lubusang pagkabansot at paggapang ng progreso nito sa pakikipagsabwatan ng mga panginoong maylupa, kapitalista at pulitiko na nakinabang sa kaayusan ng mga panahong iyon.

Masahol pa sa sistemang Pranses sa Vietnam bago magwakas ang dekada 50 o sa sistemang Ingles sa India, Singapore at Malaysia . Kung ang ekonomiya ng South Korea , Taiwan at Japan ay nakinabang sa Cold War, ang Pilipinas ay minalas na hindi man lamang maambunan ng puhunan at teknolohiyang Amerikano.

Pang-anim, ang mga bansang nabanggit maliban sa Pilipinas ay pumailalim sa Repormang Agraryo sa tulong o suporta ng kani-kanilang dating kolonisador maliban marahil sa Vietnam. Dahil dito, ang pag-unlad ng sektor ng Agrikultura ang naging batayan ng Industriyalisasyon.

Pampito, maliban sa Vietnam , halos lahat ay hindi dumanas ng isang matagalang pag-aalsa ng dulong kaliwang grupo o insurgency at kaliwa't-kanang kudeta ng dulong kanan.

Pangwalo, ang South Korea , Singapore at Japan ay may mga napakahuhusay na sistema ng edukasyon na maigting at matibay na sinusuportahan ng estado at mamamayan nito. Ang Pilipinas at mamamayan nito ay ano? Sa kabila ng magagandang programang pang-edukasyon, bansot pa rin dahil sa lisyang pagpapatupad nito sa antas ng paaralan.  Ang dahilan, maluwag na liderato sa paaralan, kanya-kanyang interpretasyon tulad ng bilingual education, at malabnaw na pakikisangkot at pagtupad sa tungkulin ng mga guro noon na maihahalintulad din sa ngayon.   (Ang Basic Education Act ay naipasa lamang noong 2002)

Pangsiyam ang mga bansang nabanggit ay may malalim na pagkakakilanlan, ang Pilipinas ay halos maghingalo. Napakabilis nating umangkop sa ugali at kulturang kanluranin ngunit napakabagal nating matanggap at matutunan ang sekreto sa likod ng kanilang kultura at tinitingalang  kaunlaran ng kanluran. Naitatanong ba ng mga Doña Victorina ng makabagong panahon ang mga pinagdaanan nilang unos bago nila narrating ang kasalukuyan nilang kalgayan?

Pangsampu, ang mga batayang pagpapahalaga at kultura ng mga kalapit bansa ay hindi nabansot at nasira ng kulturang kanluranin bagkos pinalakas pa at pinayaman nito.  Binigyan tayo ng pagkakataong maging tanging Kristiyanong bansa sa Asya pero tulad ng inihihimatong ni Pablo sa kanyang mga sulat, tayo’y nananatiling Sanggol sa pananampalataya!  Napakalaking pagkakataon sana at kalakasan ang maidudulot ng pananampalataya sa ating buhay pero ano’t bansot pa rin ito?

Maliwanag na ang kasaysayan ng ating bansa ay nagpapahiwatig ng mga pagkakamaling naging dulot ng kolonyalismo. Kakatwang aral ang ating natamo at sa loob lamang ng maikling panahon ay lumason ng lubusan sa ating pagkakakilanlan at mga pagpapahalaga. Lubhang naging mapanira ang epekto nito at hanggang ngayon ay nahihirapan tayong iwasto.  Sa kasalukuyan, maging moralidad ay nanganganib dahil sa kaway ng materyalismo at kulturang hip hop na pinangangalandakan ng iresponsableng media na ang tanging layunin ay magkamal ng kita.

Sa lahat ng ito, maliwanag na EDUKASYON ang isang epektibong pamamaraan kung paano ito maiwawasto. Kung edukasyon ang ginamit ng Imperyalistang US upang maging malabnaw ang ating pambansang kaisahan at pagpapahalaga, ito rin ang matibay na kasagutan upang tayo ay makaalpas sa angkla ng mapanirang bunga ng tuwiran at di-tuwirang kolonisasyon. Kung hindi ito maaagapan ay lalo itong magdudulot upang mangapa ang susunod na salinlahi sa dilim at lambong na dulot ng globalisasyon.


Balik Tanaw sa Buhay at Edukasyon Noon

Naaalala ko tuloy ang kasimplehan ng aming buhay sa kanayunan dito sa aming lalawigan mula noong elementarya hanggang sa makatapos ako sa pamantasan. Ni hindi sa hinagap ay darating ang ganitong panahon ng makabagong teknolohiya. Napakasimple ng buhay. Kapag walang pasok, kusa kaming gumigising upang tumulong sa mga gawaing bukid. Hindi noon uso ang pera. Maraming pananim sa bakuran. Noon, ang awiting ‘Bahay Kubo’ ay totoo. Kahit ang palayan ay sagana sa mga hayop na maaaring hulihin, iluto at kainin na tulad ng dalag, hito, palaka maging hipon at talangka subalit makalipas lamang ang kalahating dekada ay naglaho ang mga ito dahil sa paggamit ng mga nakakamatay na pestisidyo at abuno.

Naaalala ko tuloy kung paano kami tinuruan sa paaralan ng pagbasa at pagbilang. Sapat na noon ang makabasa at bumilang kahit walang kakayahang umunawa. Patakaran noon ang mass promotion sa pampublikong paaralan. Hindi kataka-taka na ang mga batang average at above average noon ay mga stount supporters ng pamahalaan sa kabila ng katotohanang kami ay naninirahan sa lugar na balwarte noon ng armadong pakikibaka ng Partido Komunista ng Pilipinas.

“At the young age in 1986 before the snap election, we were all supporters and believers of Marcos.”Iminulat kami sa Bagong Lipunan at sa mga naging magagandang dulot nito ngunit naging bulag sa katotohanan at negatibong epekto ng diktadurya. Kami ang mga tinatawag na Martial Law babies. 

Nang tumuntong sa sekondarya ay ganun din. Pinag-aralan namin ang napakahuhusay na obra na tulad ng Florante at Laura, Noli Me Tangere at El Filibusterismo ngunit hindi naiugnay ng aming mga guro ang katuturan ng mga ito sa katotohanan ng buhay, kaayusang panlipunan at katuturan ng paglikha nito, anupat kung bakit ito naging mga obra. Sa pamantasan ko na lamang nalaman nang lubusan na si Maria Clara pala ay anak ni Padre Damaso at si Pari Salvi ay may pagnanasa kay Maria Clara na sa huli ay naging dahilan ng pagpapatiwakal nito.  Sa hindi malamang kadahilanan, hindi lubos na nabigyan ng kritikal na pagdulog ang mga simbolismo sa mga nabanggit na nobela sampu ng mga mahahalagang pangyayari sa Kasaysayan ng Pilipinas at Pandaigdig na bahagi noon ng kurikulum at ng pagtuturo mismo.

Salamat na lamang at sa panahon ng aking pag-aaral sa Pamantasan ay hindi ako namalagi sa apat na sulok ng silid-aralan na tulad ng mga tradisyunal na estudyante na s'yang ipinagpipilitan ng mga guro noon. Ipinasya kong maging kabahagi ng isang progresibong grupo na nagsusulong ng karapatan noon ng mga mag-aaral,  nagsusuri ng mga batayang isyung panlipunan at naghahatag ng mga kaukulang suhestiyon para malunasan ang mga batayang suliraning ito.

Hindi sapat ang sumigaw lamang sa labas ng pintuan. Kinakailangang pumasok sa loob ng tahanan upang lubusang marinig. Hindi sapat ang maging ilaw sa labas dahil mananatiling nasasa dilim ang kabahayan sampu ng mga nasa loob nito. Sa ating pagsigaw, kailangan natin ang makisangkot at maging bahagi ng pagpapanibago una sa atin-ating mga sarili.

Kahit ilang people power ang dumaan. Kahit sino pa ang umupo sa Malacañang kung hindi matutugunan ang mga batayang suliranin na karamihan ay nagsisimula sa tahanan at mga personal na pagpapahalaga ay walang mangyayari. Pagod na ang sambayanan. Huwag na sana nating hangarin na ang mga susunod na aksyon ay maging di makatao at makatarungan sa mata ng mundo.

Sa lahat ng ito, MAPAGWASTONG EDUKASYON ANG KAILANGAN. Isang edukasyong nagbubuo (developmental) at hindi mapangwasak. Kasabay nito ay kailangang palakasin ang mga batayang sektor ng ating lipunan at turuan silang maging kritikal at mapanuri.

“To arrest the problem, we need to go within it. We need to cure the different cancers of our society today.” And we couldn’t do it by just shouting outside. Our National Hero, Dr. Jose Rizal deeply realized it well when he decided to return to the Philippines and continue the fight because he said, it was where the enemy and friends are.”

The same holds true to thousands of fellowmen who had left the country out of despair and hopelessness. Many of whom are the elite and middle class who could have done so much for the country if they are only here. They could never be cold unsung heroes for they aren’t. They were never under persecution or were pushed out of poverty. They are the very same people who are shouting outside in the dark and who are posing with pity to their motherland but has long abandoned it. Nevertheless, it isn’t yet late. If the Zionists have done it in the new founded Israel , more than anything else, they could do too with much ease for the country is still in the map and has not been totally abandoned by its citizens.

Right now, Social Development Movements in the country are finding it difficult to fund various projects for human development due to increase and intense competition with the existing resources hence other priorities have emerged particularly in the African region. It is where affluent Filipinos in the first world could return their blessings. After all, they are now also a part of the few and gifted sectors of the world who are amassing its meager resources of which little have been left for the developing countries. 

They ought to realize and understand that for them and their business empire to stay, they must keep the sectors that support and patronize it alive, otherwise the consumers of whom even though majority are poor and marginalized, businesses depend.

Tayo, higit kaninuman ang makapagtatama ng mga pagkakamali ng nakalipas.

(Initially posted at pinoyteachersnetwork@yahoogroups.com on December 7, 2007. Mr. Gilbert M. Forbes had his Bachelors Degree and MA in Educational Management (CAR) from the Philippine Normal University.  A campus paper adviser and trainer for 13 years.  Currently, he is a school principal in one of the central schools in the Division of Quezon.)

No comments: