Saturday, January 1, 2011

Overcoming Expensive Hospitalization in Times of Serious Illness

By:  Gilbert M. Forbes
 
Palaging totoo ang salawikaing “kapag may isinuksok, may madudukot” at kilalang kasabihang sa “panahon, ngayon, bawal ang magkasakit.  Ngunit pano kung sa kabila ng lahat ng ating pag-iingat ay kulang pa rin at may nagkakasakit pa rin sa ating pamilya?  Naospital kase ang aming anak  dahil sa acute gastroentritis.

Nasabi ko lang ito sapagkat naharap kami sa hindi inaasahang kagastusan na umabot sa mahigit na pitong libong piso sa loob lamang ng dalawang araw hindi pa kasama ang iba pang gastusin sa labas ng ospital.  Walumpung porsiyento ng “cash gift” na nakatakda sanang itabi at ipambayad sa ilang mga bayarin ay napunta lamang bilang bayad sa ospital at 38% lamang nito ang marerefund kapag naayos na ang PhilHealth.  Idagdag pa rito ang dulot na stress at pag-aalala kahit pa alam natin na nandiyan at palagi lamang nakabantay ang ating mahal na Panginoon.  Syempre, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.

Sa ilang araw naming pamamalagi sa ospital at pagmamasid-masid sa iba pang pasyente at kaanak ng pasyenteng naruruon ay hindi ko maiwasang magnilay at magtanong.  Pano na lamang ang ating mga kababayang hindi handa sa ganitong pagkakataon kahit na nabibilang sa gitnang uri lalo’t higit ang mga walang kaya sa buhay?   Dahil sa kamahalan ng maospital ngayon, marami ang hindi na lamang nagpapagamot o nagtitiis kaya sa di mahusay na serbisyo sa mga pampublikong ospital.

Naisip ko nga na sa pampublikong ospital na lamang namin ipasok ang aming anak ngunit nanaig naman ang takot sapagkat marami ang nagsasabi na palpak at lubhang mababa ang kalidad ng serbisyo.  Mabuti pang maituturing sa pampublikong ospital sa aming bayan kung saan nagsilang ang aking may bahay at palagiang kaming nagpapagamot na pamilya. 

Sa puntong ito ay sumagi sa aking isipan ang kahalagahan ng palagiang financial readiness aside from spiritual readiness.  Napakahalaga talaga na bukod sa pqg-iingat, pagpapanatili ng mabuting kalusugan ay may PhilHealth ang padre de familia.  Mas mabuti kung ang kapwa mag-asawa ang meron nito sampu ng iba pang kasapi ng pamilya edad diseotso pataas.  Kung mapagpipilitan, bukod sa PhilHealth ay may private health insurance pa plus emergency fund na katumbas ng limang buwang sahod.  Ang emergency fund ay magmumula sa savings na dapat hindi nawawala sa sinumang kumikita maituturing mang sapat ito o hindi.

Napakahalaga nang lahat ng ito lalo ng kung nabibilang tayo sa mahirap na angkan na pawang walang ibang pinagkukunan kundi ang kinikitang sapat lamang makatugon sa pang-araw-araw na pangangailangan.  Lalo pa nga at wala ring halos aasahan sa mga pampublikong ospital na mahusay nga ang serbisyo kung minsan ay wala namang gamot kung kaya kailangan pa itong bilhin sa labas ng may pasyente.

Napahalagang ring maituturing ang maging kritiko at mapagbantay upang pagbutihan ng mga pampublikong ospital sa mga probinsya at sa mga kalunsuran man na pagbutihin ang kanilang serbisyo sapagkat ito ang paraan upang makuha nila ang pagtangkilik ng mga middle class na makatutulong nang malaki sa kanilang charity programs at sustainability.

No comments: