Wednesday, November 19, 2008

Edukasyon at Kamulatang Pulitikal

By Gilbert M. Forbes
 
Sa naganap na eleksyon sa America kung saan nailuklok ang ika-44 at kauna-unahang itim na pangulo, marami ang nainggit at nangarap na nawa ay mangyari rin ang ganun sa atin.

Mabilis, malinis at walang bangayan sa pagitan ng nagwagi at natalo. Anumang naging tunggalian ay agad na natapos sa pagsasara ng tabing ng halalan. Agad na tinatanggap ng natalo ang kanyang kapalaran at binabati ang mapalad kasabay ang pangangako ng suporta.

Marahil ito ay dahil sa mataas na antas ng pulitikal na kamalayan ng mga mamamayang Amerikano na di tulad natin. Isa ito sa dapat na tutukan ng lahat ng nagnanais ng pagbabago at pag-unlad ng ating bansa, ang pagkakapit bisig upang mabigyang pansin ang pagpapataas sa pulitikal na kamalayan ng mamamayan.

Kung magkakaroon ng mataas na pulitikal na kamalayan ang bawat isa, matuto na tayong pumili at maghalal ng tangi at s’yang nararapat. Sa puntong ito, hindi na magkakaroon ng puwang ang mga pulitikong mangmang at personal na interes lamang ang hangad na isulong kundi pulitikong may sapat na kakayahan at tunay na pagnanais na maging lingkod bayan.

Malaki ang papel dito ng paaralan. Matagal na ring bigo ang paaralan na makahubog ng mamamayang may mataas na antas ng oryentasyon o kamulatang pulitikal. Pero nararapat ba itong magpatuloy?

Napapanahon na upang ang paaralan ay maging kabahagi ng lipunan. Sa pamamagitan lamang nito matutuldukan ang krisis na pampulitika sa ating bansa.

Ang Pagsasaka at Kagutuman

By Gilbert M. Forbes
 
Para sa isang bansang pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay, nakapagtataka na maging ikaapat sa may pinakamaraming nagugutom sa buong mundo ang Pilipinas lalo na at napakalalawak ng lupang sakahan at napakaraming nakatiwangwang. Mataba ang lupa na sagana sa dilig ng ulan at klimang katamtaman di tulad sa bansang Rusya at mga bansa sa Africa na tulad ng Somalia.

Marahil, maituturing na may kinalaman ito sa nagbabagong pananaw natin hinggil sa pagsasaka at kapabayaan na rin ng ating pamahalaan. Katunayan, dahil mas mura ang umangkat kaysa likhain o anihin ang pagkain dito sa atin, 85% ng ating pagkain ay imported. Di nga ba’t ang bigas natin ay imported? Pati ng karne at gulay eh,

Sana, imbes na mamudmod ng bilyon-bilyong pera, ay gamitin na lamang ito sa industriya ng paglikha ng pagkain kahit di kasingmura ng angkat upang ang ating mga magsasaka ang makinabang sa gayon lalo silang magsusumikap. Mapipigilan din ng tuluyan ang migrasyon mula sa mga kanayunan patungo sa kalunsuran at magaganyak ang mga nagugutom at naghihirap sa lunsod na bumalik na sa kani-kanilang probinsiya.
Tulad sa Thailand, lalaki ang produksyon at bababa ang presyo nito at maaari pang tayo naman ang mag-export. Panahon na rin upang baguhin natin ang pagtingin sa manwal na paggawa tulad ng pagsasaka.

Huwag na sana na nating hintayin na dumating ang pagkakataon na meron nga tayong pambili, ngunit wala namang mabibili sapagkat mas mahusay pa rin na kahit walang pambili ay busog at hindi gutom!